Umaabot sa P89.16 milyon ang halaga ng mahigit 15 kilo ng hinihinalang ilegal na droga na nadiskubre ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa 12 abandonadong parcel sa isang bodega sa Pasay City.

Nadiskubre ang mga kontrabando noong Nobyembre 6, 2026. Ayon sa ulat, ipinadala ang mga parcel mula sa Thailand, India, United States at Netherlands.

Nasamsam mula sa mga ito ang 11.241 kilo ng hinihinalang shabu, 1.563 kilo ng marijuana kush at 2.232 kilo ng ketamine. Palihim na isiniksik ang mga naturang substansya sa mga damit, pagkain, lalagyan at iba pang kagamitan.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng BOC-NAIA, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang kinauukulang ahensya.

Advertisement

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mahalaga ang masusing inspeksyon sa mga ipinadadalang kargamento upang mapigilan ang paggamit sa mga parcel bilang paraan ng pagdadala ng ilegal na droga sa bansa.

Dinala na sa PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang substansya upang matukoy at makumpirma ang kanilang komposisyon.

Patuloy naman ang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang mga taong nasa likod ng insidente at mapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.

Advertisement