Buong suporta ang ipinahayag ng pangulo ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association (FETODA) sa panukalang maging Highly Urbanized City (HUC) ang Naga City. Kasabay nito, nanawagan siya sa mga tricycle driver at operator na unawaing mabuti ang mga posibleng epekto ng pagbabago bago magpasya sa nalalapit na plebisito sa Nobyembre 21.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Gil Belen, pangulo ng FETODA, sinabi nitong una silang nagkaroon ng pangamba at maraming katanungan hinggil sa HUC conversion, partikular sa posibleng pagtaas ng buwis, bayarin, permit at iba pang regulasyong maaaring makaapekto sa kabuhayan ng sektor ng transportasyon.
Gayunman, matapos ang ilang konsultasyon at dayalogo kay Mayor Leni Robredo, mas naunawaan umano nila ang panukala at ang mga posibleng benepisyong maidudulot nito sa lungsod, kabilang ang sektor ng transportasyon.
Kabilang sa mga inaasahang positibong epekto ng pagiging HUC ang pagdami ng mga negosyo at oportunidad sa trabaho. Posible rin umanong mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa sentro ng lungsod sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bagong establisimyento at komersiyal na lugar.
Samantala, kabilang sa mga pangunahing isyung nais tutukan ng FETODA ang mga panukalang ordinansa at pagbabago sa kasalukuyang mga patakaran na may direktang epekto sa kanilang mga miyembro.
Ilan sa mga nais nilang matugunan ay ang pagkakaroon ng maayos na mga pick-up point para sa mga tricycle, partikular sa mga lugar na may malalaking gusali at shopping mall, upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada.
Nais din ng grupo na mapangalagaan ang kasalukuyang sistema ng prangkisa, pamasahe at mga ruta, gayundin ang matiyak na hindi magiging dagdag na pasanin sa mga operator ang anumang bagong regulasyon.
Isa rin sa mga pangunahing alalahanin ng FETODA ang pagdami ng mga kolorum na tricycle at ang posibleng kompetisyong maidudulot ng iba pang uri ng transportasyon, kabilang ang mga serbisyong habal-habal at Angkas.
Sa kabila ng mga isyung nais nilang matugunan, nananatiling pabor ang FETODA sa panukalang HUC conversion, sa paniniwalang maaari itong magbukas ng mas maraming oportunidad at magbigay-daan sa patuloy na pag-unlad ng Naga City, kasabay ng pagtiyak sa kapakanan at proteksyon ng sektor ng transportasyon.














