Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang pamahalaan na agad magpatupad ng mga konkretong hakbang upang muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa kasunod ng pagbaba ng Gross Domestic Product (GDP) sa 2.1% nitong ikatlong quarter ng taon.

Ayon kay Gatchalian, kabilang sa mga pangunahing dahilan ng paghina ng ekonomiya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng enerhiya at matinding epekto ng El Niño, na kapwa nakaapekto sa lokal na produksyon at produktibidad.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang maglatag ng agarang solusyon upang mapabilis ang pagbangon at mapalakas ang takbo ng ekonomiya.

Kaugnay nito, nakatakdang bigyang-pansin ng Senado, sa pamamagitan ng RISE Ad Hoc Committee, ang mga programang makatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya.

Advertisement

Kabilang sa mga isinusulong na hakbang ang pagpapabilis sa paggasta ng pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura, at pagpapalawak ng mga programang panlipunang nagbibigay-suporta sa mga higit na nangangailangang sektor.

Dagdag pa ni Gatchalian, sisikapin din ng Senado na unahin ang paglalaan ng pondo sa mga probisyon ng panukalang pambansang badyet na may direktang pakinabang sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, partikular sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Advertisement