Hindi na nakikitang kailangan pa ng House prosecution panel na magharap ng karagdagang ebidensiya kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at private prosecutor ng House prosecution panel na kumpiyansa ang kanilang panig sa mga dokumento at ebidensiyang naiharap na nila sa impeachment court upang patunayan ang umano’y hindi naideklarang yaman at mga ari-ariang nagkakahalaga umano ng mahigit P800 milyong piso na iniuugnay sa Bise Presidente at sa kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay Tolosa, sapat na para sa kanilang panig ang mga ebidensiyang kanilang iniharap bago pormal na ipahinga ang kaso ng prosekusyon. Ngayon naman aniya ay pagkakataon na ng depensa na sagutin at pabulaanan ang mga naturang alegasyon.
Matatandaang nagmula ang naturang halaga sa pagsusuri ni prosecution witness at forensic accounting expert Alexander Cabrera sa mga bank records, tax documents, corporate records at Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mag-asawang Duterte-Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Pormal nang natapos ang House prosecution panel matapos iharap ang kanilang mga ebidensiya at mga testigo. Kabilang sa mga pangunahing inilatag ng prosekusyon ang umano’y hindi naideklarang mga bank account, transaksiyon at iba pang pinansiyal na interes ng Bise Presidente at ng kaniyang asawa.
Sa kabilang banda, iginiit naman ni House Deputy Speaker at Iloilo Representative Janette Garin na si Duterte mismo ang pinakamainam na makapagbibigay-linaw sa mga alegasyon at makapagpapabulaan sa mga paratang laban sa kaniya.
Ayon kay Garin, mahalagang samantalahin ng Bise Presidente ang pagkakataong ibinibigay ng impeachment court upang personal na sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kaniya.
Aniya, ito rin ang pinakamainam na pagkakataon ni Duterte upang linisin ang kaniyang pangalan at patunayan ang kaniyang panig sa harap ng mga senator-judges.
Matatandaang sa unang linggo ng presentasyon ng depensa, anim na testigo ang humarap sa impeachment court, habang 18 sa unang 24 na nakalistang testigo ang hindi na itinuloy o hindi na kinailangang humarap.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng depensa na si Atty. Michael Poa na mayroon pa silang walo hanggang sampung testigong inaasahang ihaharap bago tuluyang matapos ang kanilang presentasyon ng ebidensiya.














