Pinabulaanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga alegasyong hindi umano nabigyan ng access sa abogado, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang mga indibidwal na inaresto sa mga nagdaang protesta.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng NCRPO na walang sinumang nasa kanilang kustodiya ang pinagkaitan ng pagkakataong makakuha ng legal assistance o mabigyan ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Tiniyak din ng tanggapan na inaatasan ang mga pulis na sundin ang mga itinakdang proseso sa paghawak sa mga inaresto, igalang ang kanilang mga karapatan at tiyaking maayos at makatao ang pagtrato sa kanila.
Kasabay nito, hinimok ng NCRPO na ibatay sa mga beripikadong impormasyon at opisyal na rekord ang mga reklamo laban sa mga pulis, sa halip na umasa lamang sa mga hindi pa napapatunayang pahayag.
Binigyang-diin ng tanggapan na tungkulin nitong ipatupad ang batas nang patas habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng publiko at ang mga karapatan ng bawat indibidwal.
Ayon pa sa NCRPO, magkasabay na responsibilidad ng kapulisan ang pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na hindi nalalabag ang mga karapatan ng mamamaya.














