Inanunsiyo ng limang bansa sa European Union (EU) ang planong pagtatayo ng migrant deportation center sa Rwanda na inaasahang sisimulan sa susunod na taon.

Ayon sa mga pamahalaan ng Netherlands at Denmark, kabilang sa mga bansang sangkot sa naturang plano ang Germany, Denmark, Austria, Greece at Netherlands.

Sa ilalim ng panukalang sistema, maaaring ipadala sa Rwanda ang mga migranteng ilegal na nananatili sa kanilang mga bansa at nakatakdang i-deport, lalo na kung hindi posible ang kanilang agarang pagbabalik sa bansang pinagmulan.

Advertisement

Bilang bahagi ng plano, magbibigay ang Dutch government ng alternatibong destinasyon para sa mga deportee na hindi makabalik sa kanilang sariling bansa.

May opsyon ang mga ito na manirahan at makibahagi sa lipunan ng Rwanda o kaya ay bumalik sa kanilang bansang pinagmulan.

Iginiit naman ng limang bansa na ang naturang hakbang ay nakabatay sa mga umiiral na batas ng European Union at international law.

Gayunman, kinukuwestiyon ito ng ilang human rights organizations dahil sa pangambang maaaring malabag ang karapatan at proteksyon ng mga migranteng sasailalim sa naturang sistema.

Advertisement