Mariing tinututulan ng Bayan Bicol ang inisyatiba ng Estados Unidos sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Donald Trump, na sinusuportahan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na itatag ang Pax Silica sa Pilipinas.

Ayon kay Jen Nagrampa, Chairperson ng Bayan Bicol, kailangang ibasura ang Pax Silica Initiative at pakinggan ang mga hinaing ng mga mamamayang direktang maaapektuhan ng proyekto.

Giit pa nito, ang kaunlaran ay dapat nagsisilbi sa mga Pilipino at hindi sa mga dayuhan. Hindi dapat naaapektuhan ng kaunlaran ang karapatan, kabuhayan at buhay ng bawat Pilipino.

Dagdag pa niya, dapat unahin ang kapakanan ng bansa at hindi ang interes ng mga dayuhan. Nanawagan din ang Bayan Bicol sa lahat ng Bikolano na makiisa sa mga pagkilos sa rehiyon upang ipahayag ang pagtutol sa pagdating ni Trump sa Pilipinas at sa napipintong pormalisasyon ng Pax Silica Initiative.

Advertisement

Ayon pa kay Nagrampa, ang Pax Silica ay isang proyekto na magbibigay sa Estados Unidos ng kontrol sa pandaigdigang supply chain para sa artificial intelligence at pagkuha ng mga mineral na ginagamit sa produksiyong may kaugnayan sa digmaan.

Mga proyektong magsisilbi lamang umano sa interes ng mga dayuhan at hindi sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Gagamitin umano nito ang mga likas na yaman ng Pilipinas, mapapaalis ang mga katutubo sa kanilang minanang lupain, masisira ang kalikasan at posibleng maisakripisyo ang soberanya ng bansa.

Advertisement