Prayoridad ng Metropolitan Naga Water District (MNWD) ang pagpapalawig ng kanilang transmission line sa susunod na taon upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Choppy Dy-Liacco Dela Cruz, Public Information Officer ng Metropolitan Naga Water District, sinabi nito na pansamantala munang itinigil ang pagtatayo ng mga bagong pumping station dahil pito sa mga naitayo na ang hindi pa napapagana.
Ayon kay Dela Cruz, target ng ahensya na mapagana ang dalawang pumping station bago matapos ang Disyembre, sa oras na makumpleto ang kinakailangang electromechanical works at transmission line.
Ipinaliwanag nito na mahalaga ang pagpapalawig ng transmission lines bilang paghahanda sa tuluyang operasyon ng pitong pumping station.
Layunin din nitong matugunan ang patuloy na problema sa suplay ng tubig sa ilang lugar, partikular sa Gaisa, Camaligan at ilang bahagi ng Canaman.
Bagama’t nagsimula nang makarating ang tubig sa Camaligan, hindi pa rin umano sapat ang suplay nito.
Dahil dito, kinakailangang palakasin at palawigin ang mga transmission line upang maihatid nang maayos ang tubig sa mga apektadong lugar.
Samantala, nananatiling sapat ang suplay ng tubig sa kasalukuyan, sa kabila ng pagbaba ng 30 porsiyento sa produksyon mula sa apat na spring sources nito.
Patuloy na naghahanda ang MNWD sa inaasahang epekto ng El Niño na posibleng maranasan mula sa huling bahagi ng Disyembre hanggang Mayo 2027, batay sa pagtataya ng PAGASA.
Dahil dito, pinabibilis ng MNWD ang pagkumpleto sa mga pumping station at transmission line upang mapalakas ang kapasidad sa paghahatid ng tubig at matiyak ang sapat na suplay sa mga susunod na buwan.













