Malaking hakbang para sa pagpapalakas ng malinis na enerhiya at lokal na ekonomiya ang nalalapit na operasyon ng mahigit 50-megawatt na windmill project sa Barangay Taanag, Libmanan, Camarines Sur.
Sa pakikipagtulungan ng mga residente, lokal at panlalawigang pamahalaan, Aboitiz Group of Companies at mga subcontractor nito, inaasahang magdadala ang proyekto ng dagdag na oportunidad at kita sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Edelson M. Marfil, sinabi nitong bukod sa karagdagang suplay ng renewable energy, magsisilbi rin ang windmill project bilang bagong atraksyong panturismo na maaaring makahikayat ng mas maraming bisita at mamumuhunan.
Inaasahan ding makatutulong ang proyekto sa pagpapalakas ng ekonomiya at pagbibigay ng karagdagang kita sa barangay, munisipalidad at pamahalaang panlalawigan. Posible rin itong makatulong sa kompetisyon sa sektor ng kuryente at sa pagpapababa ng presyo nito sa hinaharap.
Naghahanda naman ang lokal na pamahalaan ng ordinansa para sa maayos na pamamahala ng turismo at pagbuo ng tourism package na magtatampok sa Tinayagan Falls, Ino-Ino Resort, Puro Beach at Encanto Falls.
Samantala, inaasahang makapagsisimula nang makalikha ng kuryente ang isa hanggang tatlong wind turbine sa buwan ng Disyembre.














