Wala pang napagkakasunduang pinal na kasunduan ang Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng posibilidad na sa Amerika manggagaling ang lahat ng suplay ng pagkain at enerhiya ng bansa.

Ito ang paglilinaw ng Malacañang matapos ihayag ni US President Donald Trump na nangako umano ang Pilipinas na palalakihin ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at enerhiya mula sa Amerika.

Paliwanag ng Palasyo, hindi awtomatikong tatanggapin ng pamahalaan ang naturang hakbang at titiyakin muna na magiging kapaki-pakinabang ito sa mga Pilipino, partikular sa presyo at seguridad ng suplay.

Sa pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Foreign Affairs o DFA sa Senado, sinabi ni Senator Erwin Tulfo na ikinagulat din ng mga opisyal ng ahensya ang naging pahayag ng lider ng Amerika.

Advertisement

Ayon kay Tulfo, sa pagpupulong lamang nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Trump sa sidelines ng ASEAN Summit unang napag-usapan ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at iba pang kalakal mula sa US.

Samantala, nagpahayag ng pagtataka si Senator Imee Marcos kung bakit tila walang sapat na kaalaman ang DFA sa naging usapan ng dalawang pangulo.

Nilinaw naman ni Tulfo na ang Department of Trade and Industry at Department of Agriculture ang pangunahing mangangasiwa sa usapin dahil may direktang epekto ito sa ekonomiya.

Sa ngayon, hinihintay pa ng DFA ang opisyal na paglilinaw mula sa mga kinatawan ng Estados Unidos hinggil sa naturang pahayag

Advertisement