Hindi umabot sa dalawang minuto ang talakayan sa plenaryo ng Senado bago aprubahan ang panukalang P785.2 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2027.
Wala nang senador ang humiling na magtanong o magsagawa ng interpellation sa panukalang pondo ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte, na ini-sponsor ni Senate Finance Committee Chair Senador JV Ejercito.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, naging mabilis ang proseso dahil sa tinatawag na parliamentary courtesy na ipinagkakaloob ng Senado sa Office of the President at Office of the Vice President.
Personal namang dumalo si Duterte sa plenary deliberations upang ipagtanggol ang hinihinging pondo ng kaniyang tanggapan, kasunod ng hindi niya pagdalo sa naunang pagtalakay nito sa antas ng komite.
Samantala, sinabi ng OVP na gagamitin ang pondo upang maipagpatuloy ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga benepisyaryo nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kabuuang halaga, P220.2 milyon ang para sa Personnel Services, P561.7 milyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), at P3.3 milyon para sa Capital Outlay.
May karagdagang P15.5 milyon ding nakalaan para sa Retirement and Life Insurance Premium ng mga permanenteng empleyado ng tanggapan.













