Mariing itinanggi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang paratang ni Navotas Rep. Toby Tiangco na may panunuhol sa mga mambabatas para suportahan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, at hinamon ang akusador na magpakita ng ebidensya.
Ayon kay Acidre, “kategorikal na mali” ang akusasyon at walang naganap na suhulan, kasunduan, o kapalit na pabor mula sa liderato ng Kamara, kabilang si dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Aniya, ang suporta sa impeachment ay nakabatay sa ebidensiya na lumabas sa mga pagdinig, hindi sa anumang insentibo. “Kung walang ebidensya, itigil ang pagpapakalat ng maling impormasyon,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Acidre na ang ganitong paratang ay walang basehan at nakasisira sa integridad ng Kongreso, at hinimok ang lahat na idaan sa tamang proseso ang anumang reklamo sa wastong forum.
“Ang pag-akusa na ang mga mambabatas ay nagbenta ng kanilang hatol kapalit ng pondo ay hindi lang mali—ito ay walang basehan at nakainsulto sa integridad ng House at sa talino ng mga Pilipino,” ani Acidre.
Nagbabala rin siya na ang pag-atake sa proseso ng impeachment ay maaaring maglihis ng atensyon mula sa mahahalagang isyung tinitingnan sa mga pagdinig.












