Isiniwalat ni state witness at dating Department of Public Works and Highways district engineer Henry Alcantara na umabot umano sa P800 milyon ang isang beses na cash delivery na naibigay kay dating kongresista Zaldy Co kaugnay ng mga proyekto sa flood control.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sinabi ni Alcantara na ang naturang delivery ay naganap sa gitna ng umano’y sistemang kickback sa mga proyekto ng gobyerno.

Ayon sa kanya, una niyang nakilala si Co noong 2021 sa pamamagitan ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na umano’y nagbigay ng contact details ng kongresista nang naghahanap ito ng district kung saan maaaring i-channel ang pondo para sa imprastraktura.

Ibinunyag din ni Alcantara na nagsumite siya ng listahan ng mga proyekto sa pamamagitan ng aide ni Co na si Paul Estrada, at kalaunan ay nagkaroon ng sunod-sunod na cash deliveries.

Advertisement

Isa sa mga naturang insidente ay naganap umano sa isang hotel sa Bonifacio Global City noong 2022, kung saan sandaling nakausap ni Alcantara si Co. Ayon sa kanya, inatasan umano ni Co si Estrada na tanggapin ang pera mula sa sasakyang nakaparada.

May iba pa umanong delivery na ginawa sa isang bahay sa Valle Verde, Pasig, kung saan kay Estrada umano iniabot ang pera.

Giit pa ni Alcantara, nasa 20% umano ang kickback sa mga proyekto noong 2022 mula sa pondo ng General Appropriations Act (GAA), na tinatayang umabot sa ₱519 milyon, at tumaas pa umano ito sa 25% noong 2023 kasabay ng paglobo ng proyekto sa pagitan ng ₱6 bilyon hanggang ₱8 bilyon.

Ayon sa ulat, si Co ay kasalukuyang nakakulong sa Prague at nahaharap sa graft at malversation cases kaugnay ng umano’y anomalya sa road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga alegasyon habang inaasahang lalong lalawak ang mga testimonya sa mga susunod na pagdinig.

Advertisement