Maliit ang posibilidad na makaapekto sa lagay ng panahon sa bansa ang bagong nabuong tropical depression na posibleng tatawaging “Caloy,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Bagama’t nasa labas pa ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR), pinapayuhan ang publiko na patuloy na mag-monitor ng updates sa posibleng pagpasok nito sa Huwebes.
Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, huling namataan ang bagyo sa layong humigit-kumulang 3,000 kilometro silangan ng northeastern Mindanao. Dahil sa layo nito, inaasahang mananatiling generally fair ang panahon sa bansa, bagama’t may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Posible umanong lumakas ang tropical depression sa loob ng susunod na anim na araw at maging severe tropical storm bago ito lilihis patungong Japan. Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang galaw ng bagyo at pinapayuhan ang publiko na maging handa sa anumang pagbabago sa forecast.













