Nangako ang state witness at dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na magbabalik ng P1 bilyon sa pamahalaan bilang bahagi ng restitution kaugnay ng kanyang pagpasok sa Witness Protection Program, sa pagdinig ng Sandiganbayan sa kaso ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division, inilahad ni Bernardo na umano’y may alokasyon na umabot sa P1.5 bilyong halaga ng mga proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nauugnay kay Revilla, na pondo umano noong 2025. Ayon pa sa kanya, tumanggap din ang dating senador ng tinatayang P500 milyong “commitments.”

Sa pag-usad ng pagdinig, tinukoy ni Associate Justice Ronald Moreno ang usapin ng restitution bilang bahagi ng pagsusuri sa kredibilidad ni Bernardo bilang state witness. Sa tanong kung magkano ang inaasahang ibabalik niya, sinabi ni Bernardo na “P1 billion,” at kinumpirma rin niyang kalahati na nito ang kanyang naibabalik alinsunod sa mga rekisito.

Tinalakay rin sa korte ang naunang pahayag ni dating Bulacan district engineer Henry Alcantara na nagsasabing walang natanggap na komisyon si Bernardo sa mga proyekto sa kanilang distrito. Tinawag itong “highly incredible” at “highly unbelievable” ni Moreno, at tinanong kung saan pa umano kumikita si Bernardo.

Advertisement

Tumugon ang dating opisyal na mayroon pa umanong ibang transaksyon bukod sa mga nabanggit na proyekto, bagaman hindi na ito pinalalim sa pagdinig.

Advertisement