Patuloy na kikilos pahilagang-kanluran ang Bagyong Inday habang nananatili ito sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa pinakahuling tala ng state weather bureau, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 620 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 150 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 185 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa buong Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands kabilang ang Babuyan Island, Didicas Island at Camiguin Island, gayundin sa hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan, partikular sa Santa Ana.

Samantala, nasa ilalim naman ng TCWS No. 1 ang nalalabing bahagi ng Babuyan Islands at mainland Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Abra kabilang ang Tineg, Lagayan, Danglas, San Juan, Lagangilang, Licuan-Baay, Malibcong, Lacub, Daguioman, Dolores at La Paz, silangang bahagi ng Mountain Province kabilang ang Natonin at Paracelis, at silangang bahagi ng Ifugao kabilang ang Aguinaldo at Alfonso Lista.

Advertisement

Dahil sa pinalalakas na Southwest Monsoon o Habagat, inaasahang makararanas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Occidental Mindoro at Antique, kung saan maaaring umabot sa 100 hanggang 200 milimetro ang dami ng ulan.

Posible rin ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte at Lanao del Sur.

Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ang Bagyong Inday sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng umaga o hapon. Posible rin itong mag-landfall sa mainland China pagsapit ng Sabado ng gabi o madaling araw ng Linggo.

Advertisement