Umakyat na sa 15 ang bilang ng nasawi sa banggaan ng tren malapit sa Jakarta, Indonesia, kung saan halos lahat ng biktima ay kababaihan, ayon sa mga awtoridad.
Naganap ang insidente noong Lunes sa Bekasi Timur Station nang bumangga umano ang isang long-distance train sa likurang bahagi ng isang nakahintong commuter train.
Ayon sa ulat, ang nabanggang bagon ay nakalaan para sa mga babaeng pasahero bilang hakbang laban sa harassment.
Umabot naman sa 88 ang sugatan na agad isinugod sa iba’t ibang ospital, habang ang mga nasawi ay sumasailalim sa proseso ng pagkakakilanlan.
Kinumpirma ng PT Kereta Api Indonesia na ligtas ang nasa 240 pasahero ng long-distance train na sangkot sa aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang Indonesian police at ang National Transportation Safety Committee, upang matukoy ang sanhi ng banggaan.
Samantala, sinabi ng National Search and Rescue Agency na natapos na ang rescue operation at wala nang nadagdag pang biktima.
Aminado ang mga awtoridad na madalas ang aksidente sa lumang railway system ng Indonesia, kabilang ang isang train collision noong Enero 2024 sa West Java na ikinamatay ng hindi bababa sa apat na katao.














