Iniimbestigahan ng Bureau of Jail Management and Penology ang mga ulat na may ilang persons deprived of liberty (PDLs) na umano’y nakapagnegosyo sa loob ng mga detention facility, na posibleng paglabag sa umiiral na mga patakaran.

Ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Bustinera, batid ng ahensya na may mga “isolated case” ng ganitong gawain sa loob ng kulungan, at tiniyak niyang paiimbestigahan at paparusahan ang sinumang lalabag sa rules.

Ipinaliwanag niya na bahagi ng kita sa ilang pasilidad ay nagmumula sa mga informal na transaksyon tulad ng pagbebenta ng pagkain at pagpapautang, na mahirap umanong bantayan.

Nilinaw ng BJMP na sa kanilang polisiya, tanging mga awtorisadong jail commissaries lamang ang pinapayagang mag-operate, at mahigpit na ipinagbabawal ang paghawak ng malalaking halaga ng pera ng mga PDLs.

Advertisement

Bilang kapalit, ipinatutupad ang coupon-based system upang mabawasan ang hindi awtorisadong bentahan at transaksyon sa loob ng mga kulungan.

Ang imbestigasyon ay kasunod ng mga ulat na may isang inmate sa Lapu-Lapu City Jail na umano’y kumita mula sa pagpapautang at pagbebenta ng produkto sa loob ng pasilidad.

Patuloy na sinusuri ng BJMP ang lawak ng insidente habang tinitingnan ang posibleng pananagutan ng mga sangkot.

Advertisement