Ibinunyag sa Sandiganbayan ng isang DPWH engineer na nag-utos umano si dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral na isama si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang project proponent sa flood control project sa Pandi, Bulacan sa inamyendahang 2025 budget proposal ng ahensya.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division para sa bail hearing ni Revilla sa kasong malversation nitong Martes, sinabi ni Engr. Peter Paul Cortes, chief ng DPWH Programming Division, na may errata sa amended budget proposal noong Setyembre 2024 na nagdagdag kay Revilla bilang proponent ng naturang proyekto.
Ayon kay Cortes, ang dokumentong ito ay pirmado nina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at kalaunang isinumite sa House Committee on Appropriations.
Ipinahayag din niya na ang paglalagay ng mga pangalan ng project proponent sa DPWH database ay isinasagawa batay sa direktiba ni Cabral, kabilang ang pangalan ni Revilla.
Dagdag pa ni Cortes, pinoproseso ng kanilang opisina ang mga kahilingang magtalaga ng proponent kung ito ay inendorso ni Cabral o nakapaloob sa regional budget proposal. Nilinaw din niya na walang natanggap na anumang kapalit ang kanilang tanggapan sa pag-encode ng mga naturang kahilingan at wala siyang kaalaman sa anumang kasunduan ukol sa porsyento mula sa pondo ng proyekto.
Hindi dumalo si Revilla sa pagdinig matapos magpaliwanag ang kanyang abogado na siya ay nakaranas ng migraine.














