Kinumpirma ng Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region 7 na aprubado na ang lahat ng corrective measures ng Monterrazas de Cebu sa Barangay Guadalupe, Cebu City, kaya’t maaari nang ipagpatuloy ang proyekto.

Ayon sa DENR-EMB 7, ang pagpapatuloy ng proyekto ay batay sa dokumentadong remedial works, compliance milestones, at pagbabayad ng penalties kaugnay ng paglabag sa Presidential Decree 1586 o Environmental Compliance Certificate (ECC) conditions.

Ipinaliwanag ng ahensya na inalis ang pagpapatigil sa proyekto matapos masunod ang mga kinakailangang hakbang sa pagsasaayos, kabilang ang mga flood mitigation structures.

Ayon sa ulat, may 23 detention ponds ang proyekto na kayang humawak ng humigit-kumulang 52,468 cubic meters ng tubig upang makatulong sa pagkontrol ng surface runoff, pag-iwas sa biglaang pagbaha, at proteksyon ng mga downstream communities.

Advertisement

Sa inspeksyon ng DENR-EMB 7, nakita ang pond excavation, embankment stabilization, inlet at outlet control structures, sediment traps, at erosion-control measures gaya ng vegetative cover.

Sinabi rin ng ahensya na patuloy nilang mino-monitor ang proyekto upang matiyak ang pangmatagalang bisa ng mga flood control measures at hinihikayat ang publiko na mag-report ng mga isyu sa drainage at pagbaha.

Samantala, pinahintulutan na rin ng developer na Monterrazas de Cebu ang pagpapatuloy ng konstruksyon matapos alisin ang cease-and-desist order.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng engineer na si Slater Young na dumaan sa matinding kritisismo ang proyekto, at iginiit na batay sa mga pag-aaral, hindi ito ang pangunahing sanhi ng pagbaha sa lugar.

Ayon sa kanya, lumampas pa sa kinakailangang standard ang water management ng proyekto, at may kakayahan itong humawak ng malaking bahagi ng tubig-ulan mula sa site.

Giit pa niya, kailangan ng mas malawak na pagtingin sa tunay na sanhi ng pagbaha sa Cebu at patuloy na makikibahagi ang proyekto sa paghahanap ng mga solusyon.

Advertisement