Ipinaubaya na ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman ang pagpapasya sa tatlong kasong malversation na kinakaharap ni Senador Joel Villanueva.
Ayon kay DOJ Spokesperson na si Atty. Polo Martinez, ang Ombudsman na ang may pinal na pasya kung may sapat na ebidensya upang isampa ang mga kaso sa korte.
Nilinaw ng DOJ na ang kanilang naging papel ay limitado lamang sa pagsasagawa ng paunang imbestigasyon matapos silang ma-deputize o pormal na atasan ng Ombudsman na hawakan ang mga reklamo.
Ipinaliwanag din na alinsunod sa umiiral na batas, saklaw ng eksklusibong hurisdiksyon ng Ombudsman ang mga matataas na opisyal ng gobyerno na may Salary Grade 27 pataas, kabilang na ang posisyon ng isang senador.
Dahil dito, tinatapos na ng DOJ ang kanilang bahagi sa proseso upang tuluyang maipasa sa Ombudsman ang pagsusuri at pagdedesisyon sa nasabing mga kaso.














