Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakausap niya si Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng mga posibleng hakbang nito matapos ang paghahain ng kasong plunder at graft laban sa senador sa Sandiganbayan.
Ayon kay Remulla, tinalakay nila ni Estrada ang ilang posibleng “options” ng senador kasunod ng inaasahang paglabas ng warrant of arrest kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects at illegal budget insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayunman, tumanggi ang kalihim na ibunyag ang detalye ng kanilang napag-usapan at sinabing mananatiling pribado ang mga ito hanggang sa magpasya si Estrada kung tatanggapin o hindi ang mga naturang opsyon.
Samantala, sinabi ni Estrada na gagamitin ng kanyang kampo ang lahat ng legal remedies upang kuwestyunin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Binanggit din ng senador ang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office o LBRMO na nagsasabing wala umano siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget.
Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nag-ugat ang kaso sa umano’y sistematikong illegal budget insertions at mga proyekto sa ilalim ng DPWH infrastructure portfolio para sa fiscal year 2025.
Sinabi pa ni Clavano na ang mga pondong inilaan sa ilang proyekto ay umano’y kapalit ng komisyon o kickbacks na aabot sa P573 million.














