Inihayag ng Department of Energy (DOE) na bukas ito sa posibilidad na alisin ang moratorium sa pagtatayo ng mga bagong coal-fired power plants habang nananatiling banta sa pandaigdigang suplay ng langis ang sigalot sa Middle East.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, handa ang ahensya na isaalang-alang ang coal hangga’t ito ay gumagamit ng mas malinis na teknolohiya at may malinaw na transition plan patungo sa mas malinis na enerhiya.
Nauna nang iminungkahi ni Department of Economy, Planning, and Development Secretary Arsenio Balisacan ang posibleng pag-alis sa anim na taong moratorium upang palakasin ang energy security ng bansa sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Garin, may umiiral nang polisiya ang DOE na nagpapahintulot sa coal plants sa ilang sitwasyon tulad ng energy crisis o sariling gamit ng planta, batay sa inilabas na circular noong nakaraang taon.
Giit niya, sa panahon ng krisis, nananatili pa ring isa ang coal sa pinakamurang pinagkukunan ng kuryente. Gayunman, pinag-aaralan ng ahensya ang posibleng pagpapalawak ng mga exception sa patakaran.
Binigyang-diin din niya na mas agarang isyu ngayon ang presyo ng diesel na higit na nakaaapekto sa transportasyon kaysa sa power generation.
Samantala, patuloy ding tinitingnan ng pamahalaan ang iba pang energy sources tulad ng renewable energy at nuclear energy.
Ayon sa DOE, nasa 63% pa rin ng power generation ng bansa ang mula sa coal.














