Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang panibagong galaw sa presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes, kung saan inaasahan ang pagtaas sa gasolina at diesel habang may rollback naman sa kerosene.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, aabot sa maximum na P1.21 kada litro ang itataas sa gasolina habang P2.82 kada litro naman ang dagdag-presyo sa diesel.
Samantala, magpapatupad ng rollback na hindi bababa sa P2.21 kada litro sa kerosene.
Sa Metro Manila at iba pang highly urbanized cities, umaabot sa P97.65 kada litro ang diesel, habang nasa pagitan ng P73.68 hanggang P108.18 kada litro ang gasolina.
Sa gitna ng panawagan ng ilang oil companies na ibasura ang mandatory price adjustment system, sinabi ng DOE na nire-review nito ang umiiral na polisiya at pinag-aaralan kung kailangan itong i-adjust.
Ayon kay Garin, isinasaalang-alang ng ahensya ang gastos ng mga kumpanya sa suppliers at freight at patuloy ang koordinasyon sa mga oil firms matapos ang pagsusumite ng kanilang datos at gastos.
Batay sa DOE, bumaba rin ang average fuel inventory sa bansa sa 45.33 araw mula sa 50.7 araw noong nakaraang linggo.














