Aminado ang Department of Justice na walang garantiya na mapipigilan ang pag-alis mula sa Czech Republic ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.

Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, posible umanong nakalabas na ng bansa si Co at wala pang tiyak na impormasyon ang Department of Justice sa kanyang kinaroroonan. Giit niya, walang sapat na beripikadong ulat ang kagawaran kaya ayaw nilang mag-ispekula.

Sinabi rin ng kalihim na pinag-aaralan ng DOJ ang mga legal na hakbang upang matukoy at masiguro ang lokasyon ng dating mambabatas. Kabilang sa mga posibleng hakbang ang pakikipag-ugnayan sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) para sa pag-isyu ng “red notice,” bagaman wala pa itong inilalabas laban kay Co.

Nasa Czech Republic na si Justice Sec. Vida upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon, kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na beripikahin ang mga naunang impormasyon at alamin ang proseso para sa posibleng pag-uwi ni Co sa Pilipinas.

Advertisement

Sa ngayon, itinuturing ng DOJ na pinakamabilis na paraan para maibalik si Co sa bansa ay sa pamamagitan ng deportation, habang patuloy ang koordinasyon sa mga international authorities. Hinimok din ng kalihim ang publiko na maging maingat sa pagtanggap ng impormasyon at hintayin ang kumpirmadong ulat mula sa mga awtoridad.

Advertisement