Pormal nang humiling ng impormasyon ang Department of Justice (DOJ) kay abogado Jimmy Bondoc kaugnay ng kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang press conference ngayong Martes, sinabi ni DOJ Secretary Fredderick Vida na nagpalabas na ang departamento ng formal letter request kay Bondoc matapos nitong ihayag sa publiko na alam umano nito ang lokasyon ng senador.
Ayon kay Vida, hinihiling ng DOJ kay Bondoc na ibigay ang anumang impormasyong hawak nito o maaaring makatulong upang matukoy ang kinaroroonan ni Dela Rosa.
“With respect to his public representation that he allegedly knows the whereabouts of Sen. Dela Rosa, I have directed the issuance of formal letter request asking him to provide the department any information in his possession or available to him regarding the whereabouts or information leading to the location of Sen. Dela Rosa,” pahayag ni Vida.
Sinabi rin ng kalihim na pagkakataon ito ni Bondoc upang makipagtulungan sa legal na proseso.
Samantala, ayon sa DOJ, ang pinakahuling impormasyon ng pamahalaan ay nagpapakitang nasa loob pa rin ng Pilipinas si Dela Rosa.
Nahaharap si Dela Rosa sa posibleng pag-aresto kaugnay ng warrant na inilabas ng ICC kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.














