Nag-uwi ng mahahalagang impormasyon ang acting Department of Justice (DOJ) Secretary na si Fredderick Vida mula sa kanyang pagbisita sa Prague, matapos makumpirmang wala na sa kustodiya o teritoryo ng Czech Republic ang dating kongresista na si Zaldy Co.

Ayon kay Vida, nakakuha sila ng “actionable intelligence” mula sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Czech ministries ng justice, interior, at foreign affairs. Ang naturang impormasyon ay ibabahagi sa Philippine Center on Transnational Crime upang mapalawak ang imbestigasyon at koordinasyon sa law enforcement.

Isa sa mga tinalakay sa pulong ay ang posibilidad ng Police Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic. Ayon sa Chief State Counsel na si Dennis Chan, makatutulong sana ang ganitong kasunduan upang mapadali ang pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinabi ni Vida na makikipag-ugnayan siya sa Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government pagbalik niya sa Maynila upang talakayin ang susunod na hakbang. Maghahain din umano siya ng komprehensibong ulat sa Pangulo.

Advertisement

Inamin din ni Vida na hindi nila matukoy ang eksaktong lokasyon ni Co sa kasalukuyan. Ayon sa kanya, isang “temporary setback” lamang ang hindi agad pagkakauwi ng dating mambabatas sa Pilipinas.

Batay sa impormasyon mula sa Czech authorities, wala na si Co sa kanilang teritoryo at hindi na rin nakadetine. Hindi rin ibinahagi ng mga ito ang detalye kung saan siya nagtungo, kailan siya pinalaya, at ang dahilan ng kanyang paglaya, dahil sa umiiral na Schengen rules at data privacy provisions.

Nauna rito, napaulat na gumamit umano si Co ng expired na Philippine passport na may valid Schengen visa sa kanyang pagpasok sa Europa. Gayunpaman, nananatiling hindi malinaw ang kabuuang galaw at kinaroroonan ng dating kongresista.

Sa kabila nito, tiniyak ng DOJ na ipagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang Department of Foreign Affairs at Office of the President, upang mapanagot si Co at maresolba ang kaso.

Advertisement