Posibleng paglabag sa occupational safety and health standards ang natukoy ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng pagbagsak ng isang under-construction na gusali sa Angeles City, Pampanga na ikinasawi ng ilang manggagawa.
Ayon kay acting Labor Secretary Francis Tolentino, kabilang sa iniimbestigahan ng ahensya ang kakulangan sa pagpapatupad ng occupational safety and health standards sa construction site.
Sinabi ni Tolentino na dati nang isinailalim sa work stoppage order ng DOLE Region 3 ang proyekto dahil sa mga kakulangan sa kaligtasan.
Gayunman, muling pinayagang magpatuloy ang konstruksyon matapos umanong makasunod ang kumpanya sa mga itinakdang requirement ng ahensya.
Binigyang-diin ni Tolentino na dapat ay nagpatuloy ang monitoring upang matiyak na nasusunod pa rin ang mga safety standards sa lugar.
Kabilang sa mga tinitingnang paglabag ang umano’y pagkakaroon ng barracks o tulugan ng mga manggagawa sa loob mismo ng hindi pa tapos na gusali, pati na rin ang kakulangan sa medical facilities at emergency equipment.
Sa ilalim ng labor regulations, kinakailangang may treatment rooms, clinic, first aid kits, at safety officers sa mga construction site depende sa dami ng manggagawa.
Sinisilip din ng DOLE ang kakulangan sa maayos na worker records at kung may sapat na safety personnel na naka-deploy sa proyekto.
Kaugnay nito, sinuspinde ni Tolentino si DOLE Region III Director Geraldine Panlilio habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga opisyal ng ahensya.
Matatandaang gumuho ang siyam na palapag na gusali bago magbukang-liwayway noong Linggo. Apat na katao ang kumpirmadong nasawi, 16 ang nawawala, habang 26 naman ang nailigtas, ayon sa lokal na pamahalaan.














