Humiling ang Department of Transportation (DOTr) sa Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang ₱5 bilyon upang palawakin at palawigin pa ang service contracting program para sa mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUV).
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza II, isinumite na ng DOTr ang kahilingan para sa pondo para sa ikalawang yugto ng programa.
Aniya, malaking bahagi ng sektor ng transportasyon ang maaabot ng karagdagang pondo na inaasahang magpapalawak sa saklaw ng benepisyo para sa mga driver at operator.
Sa unang yugto ng programa, may inilaang ₱1 bilyong pondo—₱800 milyon para sa road transport at ₱200 milyon para sa maritime transport—na nakatakdang simulan sa Abril 15 at tatagal ng dalawang linggo.
Sa ilalim ng programa, babayaran ang mga operator at tsuper batay sa kilometrong biyahe: ₱100 kada kilometro para sa EDSA Busway, ₱40 para sa modernong jeepney, at ₱30 para sa tradisyunal na jeepney.
Sakop ng inisyatiba ang 823 ruta sa buong bansa, kung saan 545 ay nasa Metro Manila at mga karatig lalawigan, kabilang ang Cavite, Laguna, at Rizal.
Ayon sa DOTr, layunin nitong tutukan ang “filler routes” o mga rutang nag-uugnay sa ibang transportasyon tulad ng mga tren.
Samantala, nakatakdang ilabas ngayong Sabado ang guidelines para sa online application ng mga nais sumali sa programa, habang inanunsyo rin na iniutos ng Pangulo ang pagpapalawig nito hanggang Hulyo upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.














