Pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) ang ika-61 na ASEAN Senior Transport Officials Meeting at ika-5 ASEAN–U.S. Senior Transport Officials Dialogue mula Mayo 19 hanggang 21, 2026 sa pamamagitan ng videoconference upang talakayin ang pagpapalakas ng kooperasyon sa transportasyon sa rehiyon.
Dumalo sa pagpupulong ang mga senior transport officials mula sa iba’t ibang bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang pag-usapan ang pagpapaunlad ng ligtas, moderno, at inklusibong sistema ng transportasyon.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng mas matibay na koneksyon at mobilidad sa ASEAN para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, patuloy na makikipagtulungan ang Pilipinas sa mga bansang ASEAN upang mapabuti ang transportasyon at kalidad ng buhay sa rehiyon.
Sinabi naman ni Undersecretary Teodorico Jose Delfin na mahalagang maramdaman ng mga mamamayan ang konkretong benepisyo ng integrasyon ng ASEAN sa pamamagitan ng mas maayos na sistema ng transportasyon.
May tinatayang halos 700 milyong populasyon ang ASEAN at inaasahang magiging ikaapat na pinakamalaking ekonomiya sa mundo pagsapit ng taong 2030.














