NAGA CITY – Patay ang dalawang katao habang sugatan naman ang pitong iba pa matapos na magkasalpukan ang isang tanker at pampasaherong bus sa Flordeliz, Milaor Camarines Sur.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Reynald Gobres, 56-anyos, residente ng Albay at driver ng tanker; at Mary Flor Escaro, 34-anyos, residente naman ng 3371 Policarpio, Valenzuela City.

Habang ang mga nasugatan naman na mga sakay ng bus na sina: Edito Babatio, 30-anyos; Estelita Lomonto, 62-anyos; Lourdes Largo, 56-anyos; Edgar Azucena, 65-anyos; Regenis Vasquez, 39-anyos; Maria Leonora Dejapin, 53-anyos, at isang 9-anyos na batang babae.

Maaalala, nangyari ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw kanina, Hunyo 13, 2024 sa Maharlika Highway na sakop ng nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nakatulog ang driver ng tanker dahilan upang makabangga ito sa kasalubong na bus na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito at ng isa pa sa mga sakay ng bus at ikinasugat naman ng pitong iba pa.

Makikita sa mga larawan na parehas nagtamo ng malalang pinsala ang dalawang sasakyan na nagresulta rin sa pagkakasugat ng iba pang pasahero ng bus.

Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging aksyon ng kompanya ng truck sa nasabing pangyayari.