Tiniyak ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” C. Remulla na magpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa kabila ng mga kaganapan sa Senado.
Ayon kay Remulla, kasalukuyan pa nilang sinusuri ang partial Blue Ribbon Committee report ng Senado kaugnay ng kontrobersyal na mga proyekto.
Sinabi rin ng Ombudsman na inihahanda na ang mga draft complaints habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa tinatayang 35 hanggang 45 kaso.
Dagdag pa niya, iniimbestigahan na rin ng Office of the Ombudsman ang mga miyembro ng tinaguriang “small committee” ng Kamara at Senado na responsable sa pagsasapinal ng pambansang badyet na isinumite sa Pangulo.
Kabilang sa mga iniimbestigahan sina dating Marikina 2nd District Rep. Stella Luz A. Quimbo, dating Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at House Minority Leader Marcelino “Nonoy” C. Libanan.
Si Quimbo ay nagsilbing chairperson ng House Committee on Appropriations matapos magbitiw si dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” S. Co at kabilang umano sa “small committee” kung saan isinasangkot ang mga umano’y insertions sa 2025 national budget.
Samantala, sinabi ng tanggapan ng Bombo Radyo na bukas ito para sa anumang reaksyon o pahayag ng mga nabanggit na personalidad.














