Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paggamit ng digital payment systems sa pamamahagi ng cash aid matapos ang pagkamatay ng isang motorcycle taxi rider sa isang payout activity sa Quezon City.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, isinasagawa na ang konsultasyon para sa posibleng pag-adopt ng electronic wallets upang mas maging ligtas at episyente ang distribusyon ng ayuda, lalo na sa mga vulnerable sector.
Binigyang-diin niya na layunin din ng hakbang na maiwasan ang pagkapila sa matinding init at mabawasan ang operational at administrative costs ng ahensya.
Ang panukalang ito ay kasunod ng insidente kung saan isang motorcycle taxi rider ang nasawi habang nakapila para sa cash aid sa Quezon Memorial Circle.
Aminado ang DSWD na hindi nila inaasahan ang dami ng dumagsang benepisyaryo sa payout site, na nagdulot ng pagsisikip at kakulangan sa crowd control measures.
Ayon sa ahensya, ang payout noong nakaraang weekend ay bukas sa motorcycle taxi at delivery riders sa buong bansa, ngunit ang setup ay nagresulta sa biglaang pagdami ng mga pumunta sa ilang lugar.
Kasalukuyang wala pa umanong opisyal na impormasyon ang DSWD sa sanhi ng pagkamatay ng rider habang hinihintay pa ang death certificate ng pamilya, ngunit nakapagbigay na sila ng tulong sa naulila.
Patuloy din ang imbestigasyon ng ahensya sa hiwalay na reklamo sa Taguig kaugnay ng umano’y maling pag-claim ng ayuda gamit ang pangalan ng ibang rider.
Samantala, pinag-aaralan din ng DSWD ang posibleng pagpapalawak ng ayuda sa iba pang sektor na apektado ng mga isyung pang-enerhiya, kabilang ang middle class, senior citizens, at persons with disabilities.












