Pinaigting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang koordinasyon nito sa transport network companies (TNCs) para sa nalalapit na rollout ng cash assistance sa transport at delivery drivers sa Mayo 13, 2026.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, inatasan ang mga TNC na isumite ang kanilang final payout plans, kabilang ang venues at iskedyul, noong Mayo 5 bilang paghahanda sa distribusyon ng ayuda.

Upang maiwasan ang siksikan, nilimitahan ang payout sa humigit-kumulang 10,000 benepisyaryo kada araw, na isasagawa sa pamamagitan ng staggered scheduling depende sa bilang ng drivers ng bawat kumpanya.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DSWD ang mangangasiwa sa distribusyon ng pondo sa pamamagitan ng mga paymaster, habang ang TNCs ang tututok sa logistics gaya ng pagpili ng lugar, pag-aayos ng iskedyul, at koordinasyon sa mga driver.

Advertisement

Iginiit ni Gatchalian na kailangang maging mas aktibo ang mga kumpanya sa proseso at hindi lamang umasa sa gobyerno.

Nauna nang inamin ng DSWD na nakatanggap ito ng “junk list” mula sa ilang TNCs dahil sa mga error tulad ng duplicate entries, maling detalye, at hindi tugmang impormasyon, na nagdulot ng pagkaantala sa beripikasyon ng mga benepisyaryo.

Ayon kay DSWD Crisis Intervention Program Director Edwin Morata, maglalagay ang ahensya ng mga tauhan sa payout sites upang agad na tugunan ang anumang discrepancies sa mismong araw ng distribusyon.

Ang cash assistance ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, kung saan makakatanggap ng ₱5,000 ang mga kwalipikadong driver bilang tulong sa epekto ng tumataas na presyo ng gasolina.

Advertisement