Nanawagan si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na pairalin ang prinsipyo ng “no work, no pay” laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa matagal nitong pagliban sa Senado.

Ayon sa Senate Deputy Majority Leader, hindi na umano nakikita si Senador Dela Rosa sa Senado mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat hinggil sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kanyang naging papel sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Binigyang-diin ni Ejercito na ang serbisyo publiko ay isang tiwala ng taumbayan, kaya’t nararapat lamang na may pananagutan ang mga halal na opisyal kung hindi nila nagagampanan ang kanilang tungkulin.

Iminungkahi rin ng Deputy Majority Leader na amyendahan ang mga patakaran ng Senado upang magkaroon ng malinaw na parusa laban sa mga mambabatas na matagal na uma-absent, dahil sa kasalukuyan ay wala pang umiiral na rules na maaaring magpataw ng sanction sa kanila.

Advertisement

Matatandaang si Senador Dela Rosa ang may pinakamahabang naitalang pagliban sa Senado mula Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026.

Sa ngayon, wala pang pinal na aksyon ang Senado hinggil sa panukalang “no work, no pay” policy para sa mga absent na senador.

Advertisement