Inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na isa pang dating umano’y miyembro ng Davao Death Squad (DDS) ang inaasahang magiging testigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), habang patuloy ang pagbuo ng ebidensya ng prosekusyon para sa nalalapit na paglilitis.

Ayon kay Antonio Trillanes IV, nasa kustodiya na umano ng prosekusyon ng International Criminal Court ang naturang hindi pinangalanang testigo, ngunit hindi pa ito isinasapubliko o opisyal na inilalahad sa korte.

Sinabi ni Trillanes na bahagi ito ng mas lumalawak na hanay ng mga testigo kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni Rodrigo Duterte, kabilang ang ilang dating pulis at dating tauhan na umano’y may direktang kaalaman sa operasyon.

Kabilang sa mga naunang pinangalanang testigo sina dating pulis Colonel Royina Garma, at mga dating umamin na DDS members na sina Arturo Lascañas at Edgar Matobato, na matagal nang nagbigay ng salaysay tungkol sa umano’y death squad sa Davao City.

Advertisement

Ayon pa kay Trillanes, ang bagong testigo ay umalis ng bansa noong 2018 habang isinasagawa ng ICC ang imbestigasyon sa mga pagpatay na may kaugnayan sa drug war at iba pang insidente ng umano’y extrajudicial killings.

Ibinahagi rin niya na hinati ng ICC ang mga kaso sa iba’t ibang kategorya, kabilang ang mga insidente noong alkalde pa si Duterte sa Davao City, noong siya ay pangulo, at mga pagpatay sa umano’y mga karibal sa droga.

Sinabi rin ni Trillanes na patuloy ang pagkalap ng ebidensya at testigo ng ICC at inaasahang papasok na sa susunod na yugto ang kaso, kung saan posibleng magsimula ang trial proceedings sa pagitan ng Setyembre at Oktubre.

Si Duterte ay inaresto noong Marso 2025 at kasalukuyang nakapiit sa The Hague kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa libu-libong pagkamatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.

Advertisement