Nilinaw ng dating alkalde ng Allacapan, Cagayan na si Harry Florida na hindi “gas-and-run” incident ang viral video kung saan makikitang may humahabol sa isang SUV, kundi bahagi lamang umano ito ng kanilang “kulitan.”
Ayon kay Florida, mali ang kumalat na impormasyon na nagpakarga ng krudo ang isang SUV sa kaniyang gas station at hindi nagbayad, dahilan upang habulin ito ng isang lalaki.
Giit niya, siya ang may-ari ng gas station at walang naganap na naturang insidente. Ang lalaking makikita sa video na humahabol sa sasakyan, na kinilalang alyas “Tyson,” ay matagal na umanong nakatira sa kanilang pamilya matapos kinuha nila bilang tagapangalaga noong pumutok ang Mt. Pinatubo.
Paliwanag pa ng dating alkalde, bahagi lamang ng kanilang pagva-vlog at “kulitan” ang eksena sa video na kumalat online.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga hindi natuwa sa nasabing video, at iginiit na wala silang intensyon na manlinlang o magpakalat ng maling impormasyon.
Dahil sa insidente, naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office laban sa mga sakay ng SUV, kabilang si Florida.
Sinuspinde rin ng 90 araw ang lisensiya ng driver at inilagay sa alarma ang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinabi ni Florida na igagalang niya ang magiging desisyon ng mga awtoridad kaugnay ng kaso.














