Ipinauubaya na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Diyos ang magiging desisyon ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber sa nakatakdang paglabas ng hatol ngayong Abril 22 kaugnay ng hurisdiksiyon ng korte sa kanyang kaso, ayon sa kanyang bunsong anak na si Veronica “Kitty” Duterte.

Sa panayam sa The Hague, Netherlands matapos dalawin ang dating pangulo noong Abril 20, sinabi ni Kitty Duterte na kumakapit sila sa pananampalataya at tinatanggap na ng kanilang pamilya na wala na sa kanilang kontrol ang magiging resulta ng desisyon ng ICC.

Ayon sa kanya, nasa maayos na kondisyon ang dating Pangulo, nakaka-adjust sa kanyang sitwasyon, at patuloy na inaalagaan ng kanyang legal team habang hinihintay ang susunod na mga kaganapan sa kaso.

Dagdag pa niya, kumakain nang maayos ang dating Pangulo bagama’t minsan ay nakararanas ito ng kalungkutan habang nasa detention.

Advertisement

Ibinahagi rin ni Kitty ang mensahe ng kanyang ama na “at least hindi nila siya ikakahiya dahil wala siyang ginawang masama,” at tiniyak na ipinagmamalaki siya ng kanyang mga anak.

Nagpasalamat din siya sa mga patuloy na sumusuporta sa kanilang pamilya sa gitna ng mga kritisismo, kabilang ang mga isyung ibinabato laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa hiwalay na pagbisita noong Abril 21, ipinaabot din ni Kitty ang mensahe ng dating Pangulo sa kanyang mga tagasuporta na siya ay “Invictus,” isang salitang Latin na nangangahulugang unconquered o undefeated.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity sa ICC kaugnay ng umano’y hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018 sa kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay Pangulo ng Pilipinas.

Advertisement