Inaasahang makakapagpiyansa ngayong Biyernes si Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder Franco Mabanta at apat pa niyang kasama matapos silang maaresto kaugnay ng umano’y extortion attempt laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ayon sa kanilang abogado.
Ayon sa ulat, dinala noong Huwebes ng gabi ang lima sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng New Bilibid Prison compound sa Muntinlupa.
Sa panayam sa media bandang hatinggabi, sinabi ni Atty. Bernice Piñol-Rodriguez, abogado ng grupo, na nakatakda silang magpiyansa sa loob ng araw ng Biyernes.
Tumanggi naman ang kampo ni Mabanta na magbigay ng pahayag hinggil sa kumakalat na video sa social media na umano’y nagpapakita ng pag-uusap sa pagitan ng isang NBI agent at ng kanyang kliyente, at sinabing bahagi ito ng kanilang depensa.
Giit pa ng abogado, walang naganap na extortion at walang krimen na nagawa ang kanyang mga kliyente, at maghahain sila ng kaukulang pleadings sa korte.
Matatandaang inaresto si Mabanta sa isang entrapment operation matapos umanong manghingi ng P350 milyon kapalit ng hindi paglalabas ng mga video na magdidiin kay Romualdez sa umano’y flood control scandal. Ayon sa NBI, nakumpiska ang pera sa operasyon.
Itinanggi ni Mabanta ang mga paratang at iginiit na siya ay biktima ng “setup,” habang patuloy na iniimbestigahan ang kaso sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code o robbery with violence against or intimidation of persons.














