Muling nanawagan ang Motorcycle Taxi Community sa mga mambabatas na ipasa na ang matagal nang nakabinbing Motorcycle Taxi Bill, na layuning kilalanin ang mga rider bilang mga independent transport workers at bigyan sila ng mas maayos na proteksyon at dignidad sa kabuhayan.

Ayon kay Romeo Maglunsod, chairman ng Motorcycle Taxi Community, dapat nakaangkla ang legalisasyon ng motorcycle taxis sa realidad ng gig economy kung saan ang mga rider ay hindi dapat ituring na regular na empleyado ng isang platform kundi mga independent service providers.

Kasabay ng paggunita sa Labor Day, binigyang-diin ng grupo ang karapatan ng mga rider sa respeto, kalayaan, at proteksyon bilang mga manggagawang Pilipino.

Iminungkahi rin ng grupo na ang prangkisa ay dapat ibigay sa indibidwal na rider at sa kanilang rehistradong motorsiklo, sa halip na sa mga platform na kasalukuyang nagtatakda ng slot system.

Advertisement

Ayon kay Maglunsod, hindi na umano akma sa kasalukuyang sitwasyon ng gig economy ang limitadong slot system dahil hindi nito kinikilala ang aktwal na kalagayan ng mga rider.

Iginiit din niya na dapat ay may transport rights na nakalakip sa rider at sa kanilang sasakyan, katulad ng mga jeepney at tricycle operator.

Dagdag pa ng grupo, dapat magkaroon ng kalayaan ang mga rider na pumili ng platform at oras ng pagbiyahe upang mas mapabuti ang kanilang kita at kabuhayan.

Nanawagan din sila sa mga platform na magpatupad ng mas matibay na sistema tulad ng insurance, patas na insentibo, at mas maayos na demand-generation upang maprotektahan ang kapakanan ng mga rider.

Giit pa ng grupo, ang patuloy na pagkaantala sa pagpasa ng panukalang batas ay nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa libu-libong rider na umaasa sa araw-araw na kita.

Hinimok nila ang gobyerno na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin at hamon sa kabuhayan.

Sa huli, iginiit ng Motorcycle Taxi Community na handa silang sumunod sa makatuwirang regulasyon, ngunit tutol sa sobrang burukrasya na maaaring makaapekto sa kanilang kabuhayan.

Advertisement