Aabot sa mahigit P6.9 milyong halaga ng hinihinalang kush at ecstasy ang nakumpiska mula sa apat na abandonadong parcel sa isinagawang interdiction operation ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City, Huwebes ng umaga, Abril 23.
Ayon sa ulat ng NAIA IADITG, isinagawa ang operasyon bandang alas-11:00 ng umaga sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City, kung saan nadiskubre ang mga ilegal na droga sa magkakahiwalay na padala na idineklarang iba’t ibang produkto gaya ng “Mama Cake Durian,” “Dog Food,” at “Science Dino-Bot.”
Sa unang parcel na mula umano kay Sarocha Singta sa Bangkok, Thailand at naka-consign sa isang residente ng Olongapo City, natagpuan ang mga kulay orange at berdeng pakete na naglalaman ng kabuuang 302 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Sa ikalawa at ikatlong parcel na parehong ipinadala mula sa United States at naka-address sa Cagayan de Oro City, nadiskubre ang kabuuang 3,929 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakalagay sa mga heat-sealed plastic pouches.
Samantala, sa ikaapat na parcel mula sa The Netherlands na naka-consign din sa Cagayan de Oro City, natagpuan ang 325 pink-colored tablets na hinihinalang ecstasy o MDMA.
Sa kabuuan, umabot sa 4,231 gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P6,346,500 at 325 tablets ng ecstasy na may halagang P552,500 ang nakumpiska ng mga operatiba.
Dinala ang mga nakuhang ebidensya sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri, habang posibleng sampahan ng kaso ang mga sangkot sa paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165.
Ang operasyon ay isinagawa ng NAIA-IADITG na binubuo ng PDEA Regional Office NCR, Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.














