Umabot na sa mahigit 6,000 kabahayan ang naapektuhan ng ashfall na dulot ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano, ayon kay Albay Governor Noel Rosal ngayong Lunes, Mayo 4.

Ayon kay Rosal, ang pagguho ng lava dome ng bulkan noong Sabado ang nagdulot ng makapal na ashfall na tumama sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig.

Sa ilang lugar sa Guinobatan, umabot umano sa isa hanggang dalawang pulgada ang kapal ng abo. Dahil dito, nagpatuloy ang clearing at flushing operations sa mga kalsada sa tulong ng Department of Public Works and Highways.

Ayon sa gobernador, maayos na ring nadaanan ang Maharlika Highway patungong Naga City, ngunit mahigpit na ipinag-uutos ang pagsusuot ng face mask, partikular ang N95, dahil sa panganib ng ash particles sa kalusugan.

Advertisement

“Mandatory face mask. Dapat N95 kasi hazardous itong ashfall,” ani Rosal.

Bagama’t apektado ang maraming lugar, sinabi ng gobernador na wala pang naitatalang casualties dahil sa maagang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan at mga residente.

“Resilient ang Albay… So far, no casualties tayo,” dagdag niya.

Iniulat din ang pagkamatay ng ilang alagang hayop at pagkasira ng mga pananim, habang may naitalang anim na livestock na namatay matapos matabunan ng abo at lahar.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, patuloy ang monitoring sa aktibidad ng bulkan at pinag-aaralan ang posibleng pagpapalawak ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) na maaaring makaapekto sa dagdag na libu-libong pamilya.

Sa kasalukuyan, may mahigit 1,200 evacuees na nananatili sa mga evacuation centers mula pa noong Enero dahil sa patuloy na banta ng volcanic activity.

Advertisement