Nagsumite na para sa resolution sa Sandiganbayan ang hiling ng Office of the Ombudsman para sa precautionary hold departure order laban kina Senador Rodante Marcoleta, dating Quezon City Rep. Michael Defensor, at dalawang negosyante kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations.
Ayon sa Office of the Ombudsman, may posibilidad umanong umalis ng bansa si Marcoleta dahil sa kanyang impluwensiya at kakayahang pinansyal.
Iginiit din ng Ombudsman na ang umano’y hindi paglalagay ng P75 milyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng senador ay nagpapakita umano ng “tendency to conceal illegality.”
Kasama sa hinihiling na precautionary hold departure order sina dating Quezon City Rep. Michael Defensor at dalawa pang negosyante na sangkot umano sa naturang usapin.
Ayon pa sa mga imbestigador, hiwalay ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec).
Matatandaang nauna nang nilinis ng Comelec si Marcoleta sa election offenses ngunit nagrekomenda naman ito ng reklamo laban sa mga umano’y donors.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng preliminary investigation ang kaso at binigyan ang mga respondent ng 15 araw upang magsumite ng kanilang counter-affidavits.














