Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang hindi pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay hindi dahil sa kakulangan ng aksyon ng mga awtoridad, kundi alinsunod sa umiiral na legal na proseso at mga patakaran ng batas.

Ayon sa DILG, ang kanilang hakbang ay nakabatay sa Section 17 ng Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na binanggit din ng Department of Justice (DOJ). Sa ilalim ng batas, maaaring isuko ang isang indibidwal sa International Criminal Court (ICC) o litisin sa lokal na hukuman kung may kaukulang warrant para sa crimes against humanity.

Binigyang-diin ng ahensya na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya, kabilang ang Philippine National Police (PNP), na hintayin ang magiging desisyon ng Korte Suprema bago magsagawa ng anumang aksyon kung wala pang utos mula sa hukuman sa Pilipinas.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Frederick Vida na wala umanong inilabas na manhunt order laban kay Dela Rosa.

Advertisement

Iginiit ng DILG na ang kanilang posisyon ay hindi kawalan ng aksyon, kundi mahigpit na pagsunod sa Konstitusyon, due process, at rule of law sa bansa.

Advertisement