Nagpahayag ng kumpiyansa ang House prosecution panel na agad magpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos pormal na magtipon ang Senado bilang impeachment court.

Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, walang legal na hadlang sa pagpapatuloy ng paglilitis dahil wala umanong inilabas na temporary restraining order ang Korte Suprema.

Iginiit ni Luistro na ang utos ng Konstitusyon na “forthwith” ay hindi lamang tumutukoy sa pag-convene ng impeachment court kundi pati sa agarang pagsisimula ng trial, kabilang ang presentasyon ng ebidensya at pagdinig ng mga testigo.

Nilinaw din niya na maaaring magpatuloy ang paglilitis kahit hindi dumalo si Duterte o hindi magsumite ng sagot sa reklamo, dahil ituturing itong plea of not guilty ayon sa Senate rules.

Advertisement

Samantala, sinabi ni Akbayan Rep. Chel Diokno na handa na ang prosecution panel sa paglilitis at wala silang nakikitang sagabal sa proseso.

Nauna nang inatasan ng Senado si Duterte na magsumite ng tugon sa articles of impeachment sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng summons, bago itakda ang pre-trial at pagsisimula ng aktuwal na paglilitis.

Advertisement