Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi maaaring isilbi sa abogado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang arrest warrant na inilabas kaugnay ng kaso nito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Matibag, malinaw sa Rules of Court na dapat personal na isilbi ang arrest warrant sa mismong indibidwal na inaaresto.
Sinabi rin ng NBI Director na hindi niya alam kung saan nanggaling ang ideya na maaaring tanggapin ng abogado ang warrant para sa senador.
Posible umanong nagkaroon lamang ng kalituhan sa pagitan ng subpoena, summon, at arrest warrant na magkakaiba ang proseso ng pagsisilbi.
Ginawa ni Matibag ang paglilinaw matapos kumalat ang video ng abogado ni dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc, kung saan sinabi nitong maaaring ibigay sa mga abogado ang ICC arrest warrant laban sa senador.
Binanggit din ni Bondoc ang naging tangkang pagsisilbi noong Mayo 11 ng arrest warrant kay dating Senador Antonio Trillanes IV.
Nanindigan din ang abogado na hindi maaaring ipatupad ang ICC warrant maliban na lamang kung may direktang utos mula sa Korte Suprema.













