Arestado ang isang lalaki na kinilala sa alyas “Pads,” 48 taong gulang, matapos masamsam ang mga umano’y ilegal na droga sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Brgy. San Agustin, Iriga City, nitong Abril 20, 2026.
Ayon sa ulat ng Iriga City Police Station, isinagawa ang operasyon bandang 7:45 ng umaga sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), katuwang ang intelligence units at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V.
Sa operasyon, narekober ang mga ipinagbabawal na gamot na agad isinailalim sa imbentaryo sa presensya ng mga saksi at gamit ang body-worn cameras bilang bahagi ng transparency at maayos na dokumentasyon.
Bago isinagawa ang paghahalughog, ipinaalam umano sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine.
Ayon sa pulisya, walang nakabinbing warrant of arrest ang suspek ngunit may nauna na itong rekord kaugnay ng kaparehong kaso noong 2020 kung saan siya ay naaresto sa buy-bust operation at kalaunan ay nahatulan sa plea bargaining at nasa ilalim ng probation.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa kanilang kampanya kontra ilegal na droga sa komunidad.














