Nanindigan si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, na nagsisilbi ring Vice Chairperson ng House Committee on Justice, na walang legal na batayan upang ipagpaliban ang impeachment proceedings laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Flores, malinaw na nakasaad sa Saligang Batas ang mga itinakdang timeline para sa impeachment, at obligasyon ng Kamara na sundin ito. Binigyang-diin din niya na may mga naunang desisyon ang Korte Suprema laban sa Kamara dahil sa hindi pagsunod sa mga itinakdang deadline sa mga katulad na kaso.
“Hindi pwedeng isantabi ang pagdinig dahil lamang sa krisis. Inuutusan tayo ng Konstitusyon na harapin ito,” ani Flores.
Sinagot din ng mambabatas ang mga panawagan na dapat ay ituon na lamang ng Kongreso ang pansin sa energy crisis na dulot ng tensyon sa Middle East. Ayon sa kanya, may sapat na bilang ng mga miyembro ang Kamara upang tugunan ang iba’t ibang tungkulin nang sabay-sabay.
Ipinaliwanag ni Flores na sa mahigit 300 miyembro ng House of Representatives of the Philippines, humigit-kumulang 50 lamang ang kabilang sa Committee on Justice na humahawak sa impeachment, at minsan lamang kada linggo ang kanilang pagdinig.
Inamin din ni Flores na hindi madali ang kanyang sitwasyon bilang kinatawan mula sa Mindanao, kung saan malakas ang suporta para sa pamilya Duterte. Gayunpaman, iginiit niya na ang kanyang papel sa prosecution panel ay hindi opsyon kundi isang obligasyon batay sa kanyang posisyon sa komite.
“It’s as if wala namang choice… you have to be part of it. You cannot just run away from it,” dagdag pa niya.














