NAGA CITY- Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na isa ring Indian National ang nasa likod ng pamamaril-patay sa kapareho nitong Indiano sa Provincial Road Zone 1, Brgy. Balaogan, Bula Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCol. Rodericko Roy, Provincial Director ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nitong maliban sa naturang insidente meron nang naunang report nang pamamaslang sa mga Indian Nationals kung saan kaparehong Indian din ang suspek.

Ayon kay Roy, isyu sa negosyo ang isa sa kanilang tinitingnang motibo sa nasabing insidente.

Sa ngayon, aniya kung matunton ang suspek agad itong sasampahan ng karampatang kaso.

Kung maaalala, habang sakay ng kanyang sasakyan ang biktimang si Surjit Singh, 40 anyos ng pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Tinamaan sa ulo ang biktima na naging dahilan ng kanyang agaran na kamatayan.

Samantala, sinasabi namang nawawala ang bag ng biktima na may lamang cellphone at pera na pinaniniwalaang tinangay ng mga suspek.