Magkakatuwang na kikilos ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa posibleng pag-aresto kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kapag nakumpirmang nakaalis na ito ng bansa o lumabas na sa Senado, ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag.

Ayon kay Matibag, nakahanda ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), at Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) na magsagawa ng koordinadong operasyon laban sa senador kung mapatutunayang wala na ito sa loob ng Senado o nakalabas na ng bansa.

Sinabi rin niya na kinakailangan munang hintayin ang pinal na kumpirmasyon bago magsagawa ng anumang hakbang, kabilang ang posibleng manhunt operation.

Binigyang-diin ni Matibag na mahalaga ang maayos na koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak na legal at organisado ang magiging operasyon ng pamahalaan.

Advertisement

Dagdag pa niya, makikipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa Office of the President upang masiguro ang pormal at legal na tugon ng administrasyon bago maglabas ng opisyal na pahayag ukol sa operasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon hinggil sa umano’y pag-alis ni Dela Rosa sa Senado o sa bansa.

Advertisement